Base sa 14-pahinang desisyon ni Judge Manuel Barrios ng RTC Branch 54, kabilang sa mga akusado sina Tranquiliano Martinez, leader ng grupo, Bandalisan Venancio Untalan, Christopher Baylon, Thea Po, Arcadeo Marbit, Eduardo Delgado, Renato Corpuz at isang alyas Negro o Bigote na may kasong kidnapping with robbery and rape.
Sa rekord, lumalabas na dinukot ng mga akusado sina Domingo Sy Ong III, 12-anyos, grade 6 pupil at Josephine Buaya Andrada, katulong ng pamilya Ong noong March 16, 1999 sa loob ng Chinese Temple sa Philippine Chinese Tao Guan Tang Assn. sa Rm. 805 8th Flr., Ligaya Bldg., #864 Alvarado St., Binondo, Manila. Humingi ng P10 milyon ransom ang mga suspect sa ina ng biktima subalit ibinaba ito sa P150,000 hanggang sa napagkasunduang magbabayaran sa paligid ng Baclaran public market na matatagpuan sa Roxas Blvd., Pasay City.
Kaagad namang nakipag-ugnayan ang ina ng biktima sa mga operatiba ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) kayat naaresto ang mga suspect.
Giit naman ni Judge Barrios, hindi pa umano tuluyang naa-abolish ang parusang kamatayan kayat nararapat lamang na ito ang ipataw sa mga suspect. (Gemma Amargo-Garcia)