MM inalerto vs terror attack

Muling inilagay sa heightened alert ang puwersa ng militar at pulisya sa buong Metro Manila matapos na mabunyag ang bagong assassinaton plot ng isang international terrorist group kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Ito ang ibinulgar kahapon ni Presidential Security Group (PSG) Commander Chief Supt. Delfin Bangit.

"Ito ang pangatlong pagtatangka sa buhay ng Pangulo mula noong buwan ng Mayo, kung kaya maging ang mga tauhan ng PSG ay nakaalerto rin para paigtingin ang seguridad sa Pangulo," pahayag pa ni Bangit.

Gayunman, tumanggi naman ito na kumpirmahin kung ang grupo ng Jemaah Islamiyah (JI), ang Southeast Asian terror group na naitatag ng Al Qaeda ang nagtatangka sa buhay ni Pangulong Arroyo sa pagkakataong ito.

Magugunita na nauna nang nagpalabas ng hit list ang mga rebeldeng NPA laban sa Pangulo at 16 pang personalidad ng gobyerno sa unang bahagi ng buwang ito.

Noong Mayo, ibinulgar naman ni National Security Adviser Norberto Gonzales na nag-deploy umano ng ‘terror hit squad’ ang NPA sa Metro Manila para paslangin si GMA at sampu pang miyembro ng Gabinete nito.

Sa panayam naman kay NCRPO chief Director Vidal Querol, sinabi nito na nakatanggap sila ng intelligence report na may planong magsagawa ng pambobomba sa Metro Manila at iba pang pangunahing lungsod sa katimugan at maging sa kamaynilaan ang teroristang grupong nagtatangka sa buhay ng Pangulo.

Ang pagtataas sa heigtened alert ay inanunsyo makaraan naman ang ginawang pagbibitiw sa puwesto ng dismayadong si Lt. Col. Orlando de Leon bilang Chief of Staff ng Phil. Marines.

Dahil dito, dodoblehin ang seguridad sa LRT, MRT, shopping centers, maging sa oil depot sa Maynila at mga pangunahing lansangan. Itatatag din ang mga checkpoint sa North at South Luzon Expressway. (Joy Cantos)

Show comments