Namatay noon din ang Pastor na si Joselito Rodriguez, 47, samantalang nasawi naman habang isinusugod sa pagamutan si Atty. Evelyn Guballa, 41, ng 18 Lanao St., ng nasabing lungsod.
Si Guballa ay misis ni Atty. Arnel Guballa, hepe ng national investigation division ng BIR. Dahil sa pagkakapaslang sa misis nito ay na-postpone ang dapat sanang pagsasampa ng tax evasion case ng nasabing tanggapan sa isang kilalang personalidad o kompanya na naka-schedule sana kahapon ng umaga.
Ayon kay Supt. Procopio Lipana, hepe ng QCPD-Criminal Investigation Unit, naganap ang krimen dakong alas-9:30 ng gabi sa bahay ng abogada na dito nagsagawa ang kanyang grupo ng prayer meeting.
Katatapos lamang ng prayer meeting nang lumabas si Guballa sa bahay para ihatid ang ilang kasamahan at ang pastor.
Isang motorsiklo ang huminto sa tapat ng bahay na may lulang dalawang lalaki. Isa rito ang bumaba at saka lumapit sa abogada at sunud-sunod na pinaulanan ito ng putok ng baril.
Sa puntong iyon, tinangka naman ng Pastor na umawat at niyakap ang abogada ngunit pati siya ay sunud-sunod ding pinaulanan ng bala ng baril.
Mabilis na tumakas ang mga suspect nang makitang duguang bumagsak ang dalawa,
Bagamat hindi pa matiyak kung ano ang motibo sa isinagawang krimen, isa sa tinitingnang anggulo ay ang pagiging BIR official ng mister ni Guballa.
Isang masusing imbestigasyon pa rin ang isinasagawa ng pulisya ukol dito.