Ayon kay Jinky Jorgio, LRT Public Relations Consultant, ipinasya ng pamunuan ng LRT-2 na itigil pansamantala ang biyahe ng istasyon ng Santolan sa Pasig at Katipunan sa Quezon City dakong alas-6:12 ng umaga matapos na hindi naging sapat ang boltaheng pumapasok dito dahil sa nagkaroon ng short circuit ang mga linya nito matapos na sabitan ng catinary line ng isang foreign object o metal.
Dahil dito nangako naman ang pamunuan ng LRT 2 na agad nilang aaksiyunan ang nasabing problema para hindi na lumala ang pinsala.
Mahigit sa tatlong oras ang ginawang pagkukumpuni kung kaya maraming pasahero na karamihan ay estudyante ang nahuli sa kanilang pagpasok.
Muling ibinalik ang operasyon ng nasabing tren sa dalawang istasyon dakong alas-9:45 ng umaga. Ang LRT 2 ay bumibiyahe mula Santolan, Pasig hanggang sa Claro M. Recto sa Maynila at mahigit sa 200,000 ang sumasakay dito kada araw. (Edwin Balasa at Angie dela Cruz)