Pawang ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa ibat-ibang parte ng katawan ang mga biktimang sina Noli Cano, 21; Charlie Banag, 18; Victor Torres, 18 at Joel Daluho, 22, pawang mga residente ng Marcelo St., Sitio Sto Nino, North Bay Boulevard South ng nabanggit na bayan.
Isang manhunt operation naman ang inilunsad ng pulisya laban sa dalawang suspect na mabilis na nagsitakas matapos ang isinagawang pamamaril sa mga estudyante.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-3 ng madaling-araw ng maganap ang insidente sa Block 28 Phase 2, Area 1, Kaunlaran Village, Navotas habang lulan ang mga biktima sa isang pedicab pauwi sa kanilang mga bahay nang harangin ng mga suspect na armado ng matataas na kalibre ng baril.
Pinababa sa pedicab ng mga salarin ang mga biktima na mistulang pinapila at saka niratrat ang mga ito.
Inakala naman ng mga suspect na napuruhan na nila ang pakay kung kaya mabilis na itong nagsitakas.
Ilang concerned citizen naman ang tumulong sa mga biktima na nagsugod sa kanila sa pagamutan.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa isinagawang pamamaril sa mga ito.
Malaki ang paniwala ng pulisya na kalabang grupo ng mga biktima ang mga suspect. (Rose Tamayo Tesoro)