3 Waray-Waray KFR group, arestado

Nakapuntos ang National Bureau of Investigation (NBI) matapos na madakip ang tatlong hinihinalang miyembro ng Waray-Waray Kidnap for Ransom Group sa magkahiwalay na operasyon sa Pasig City at sa Cavite.

Kinilala ni NBI Acting Director Nestor Mantaring ang mga suspect na sina Andres Lucero, 35; Fromencio Enacmal, 27, kapwa residente ng Genes St., Rosario Village, Pasig City at si Gualberto Castillaja, 33, ng Paliparan, Dasmariñas, Cavite City.

Ayon pa sa ulat, ang tatlo ay pawang mga miyembro ng Calvin Lagado-Noel Enacmal Waray-Waray Group na responsable sa sunud-sunod na insidente ng kidnapping at panghoholdap sa Metro Manila at karatig na lalawigan.

Nabatid na matagal nang pinaghahanap ang mga suspect matapos na ituro ng kanilang mga lider na sina Lagado at Rogelio Morfe na kanilang mga miyembro. Nagsisilbi umanong driver si Lucero habang mga bantay naman ng mga biktima sina Enacmal at Castillaja.

Nadakip ang mga suspect sa bisa ng warrant of arrrest sa mga kasong double murder at robbery with homicide. Unang naaresto si Enacmal sa Rosario, Pasig City na nagresulta sa pagturo nito sa pinagtataguan ni Castillaja at Lucero.

Nabatid na sangkot ang mga nadakip sa pagdukot sa mga biktimang sina Wilbert Uy, isang Mr. Dy sa Quezon City at Mr. Ty sa Binondo, Maynila. Bukod dito, sangkot rin ang mga suspect sa mga insidente ng bank at pawnshop robbery. (Danilo Garcia)

Show comments