Grade V pupil, nagbigti

Isang grade five pupil ang iniulat na nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti makaraang magtampo nang hindi payagan ng kanyang ina na lumabas ng bahay at maglaro ng basketball, kamakalawa sa Makati City.

Hindi na umabot nang buhay makaraang isugod sa Makati Medical Center si Noel Agustin Padilla, 11, matapos matuklasan ang ginawa nitong pagbibigti.

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-5 ng hapon nang matagpuan ang nasawi ng kanyang ina na nakabigti sa haligi ng hinihigaan nitong double deck sa ikalawang palapag ng kanilang bahay sa 2884 H. Santos St., Brgy. Tejeros, Makati City. Isang sinturon ang ginamit nito sa pagpapakamatay.

Nabatid na nagtampo ang biktima ng hindi ito payagang palabasin ng kanyang ina para maglaro ng basketball sa isang court malapit sa kanilang bahay. Posibleng matinding sama ng loob ang naramdaman ng nasawi na nagtulak sa kanyang pagpapakamatay. (Lordeth Bonilla)

Show comments