Sa 25-pahinang desisyon ni Judge Teresita Yadao, ang mga pinawalang-sala ay sina ex-Gov. Antonio Kho, Roberto Pidloan at Arnel Quidato, kaugnay sa kasong pagpaslang kay Espinosa noong nakalipas na Pebrero 28, 1995 dahil sa walang matibay na basehan upang idiin ang mga ito sa kaso.
Nadamay lamang umano ang mga ito nang isangkot ni Blas Rosario, ang sinasabing gunman sa kaso.
Gayunman, hinatulan naman ng habambuhay na pagkabilanggo si Rosario at pinagbabayad din ito ng halagang P.5 milyon sa pamilya ng biktima bilang danyos.
Sinabi ni Yadao na napilit umano ng mga umarestong pulis si Rosario na ituro ang tatlong akusado sa krimen, subalit lumakas naman ang kaso laban kay Rosario nang aminin nito sa hukuman na siya ang bumaril at nakapatay sa kongresista.
Magugunitang si Espinosa ay tinambangan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City noong Pebrero 28, 1995 habang papasok ito sa Kongreso.
Dalawang tama ng bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Espinosa. Walo katao kabilang ang dating gobernardor ang isinangkot sa krimen.
Nabigo naman ang pulisya na arestuhin ang dalawa sa mga suspect na sina Tirso Tamundong at Jacinto Ramos, samantalang patay na ang iba pang isinasangkot na sina Masbate Mayor Nestor Lim at Rogelio Rosario. (Angie Dela Cruz)