‘Pasaway’ na school bus drivers binalaan ng MMDA

Binalaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang lahat ng drivers ng school bus na sumunod sa regulasyon sa batas trapiko upang makaiwas sa disgrasya at maprotektahan ang mga estudyante na kanilang hatid-sundo sa paaralan.

Unang ipinanawagan ni MMDA Chairman Bayani Fernando na pumili ang mga operators ng matinong drivers, walang bisyo at hindi mainitin ang ulo sa paghawak ng manibela upang hindi malagay sa peligro ang mga batang mag-aaral.

Sinabi pa nito na higit na mas maganda kung isasailalim sa drug test ang pipiliing school bus driver at pahinante para umasiste sa mga estudyante.

Nabatid na karaniwang mga school bus rider ay mga mag-aaral sa pribadong eskuwelahan.

Pinanukala ni Fernando na sumailalim sa seminar ng paaralan ang mga school bus drivers at magkaroon ng mga pantay na panuntunan na dapat sundin katulad ng proteksyon sa mga bata. Bukod sa driver kailangang may katulong rin ito sa loob ng sasakyan para sa malilikot na bata. (Lordeth Bonilla)

Show comments