Ayon kay Deputy Mayor Don Bagatsing, mahigpit na imomonitor ng Business Promotions and Development Office (BPDO) ang mga internet shops na malapit sa mga paaralan sa Tondo at university belt upang maprotektahan ang mga estudyante mula sa cyber sex pornograpiya.
Bagamat sinabi ni Bagatsing na totoong nakakapagpaunlad sa edukasyon ang computer, subalit ang maling paggamit nito sa mga non-school-related activities ay makakaapekto naman sa maayos nilang pag-aaral.
Bukod dito, nais din umanong protektahan ng lokal na pamahalaan ang mga magulang ng mga estudyante na nag-aakalang regular na pumapasok sa eskuwelahan ang kanilang mga anak subalit inuubos lamang ang kanilang mga allowance sa computer games sa mga internet shops.
Bunsod nito kayat iinspeksiyunin ng mga kagawad ng BPDO ang mga internet shops at pagbabawalang pumasok dito ang mga elementary at high school student.
Nabatid na taun-taon ay ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan na pumasok sa internet shops ang mga estudyante na nakauniporme subalit tila nababalewala ito at nagmimistulang ningas-kugon lamang.
Nag-ugat ang nasabing kautusan matapos na makatanggap ng sunod-sunod na reklamo mula sa mga school officials at mga magulang ang pamahalaang lungsod ng Maynila dahil sa pagkakalulong ng kanilang mga anak at mga estudyante sa computer games at nawawala ang kanilang hilig sa pag-aaral at kadalasan ay lumiliban pa ang mga ito sa klase para lamang makapaglaro. (Gemma Amargo-Garcia)