Nakilala ang nasawi na si Josephine Ong, ng Unit 4A, 4th floor, Matimyas House sa may 1688 M.H. del Pilar St., Ermita, Maynila.
Kasalukuyang nagsasagawa naman ng manhunt operation ang "Oplan Night Hawk" ng Manila Police District-Homicide Section upang madakip ang suspect na pansamantalang itinago ang pagkakakilanlan.
Sa ulat ng pulisya, nabatid na nadiskubre ang pagkamatay ni Ong dakong alas-9:30 kamakalawa ng gabi sa loob ng tinutuluyan nitong condominium unit sa Ermita, Maynila.
Ayon sa isang saksi, kasama umano niya si Ong nitong nakaraang Hunyo 10 na namasyal at inihatid niya sa unit nito kung saan doon na rin siya natulog.
Ayon sa kanya, tatlong taon na silang magkakilala ng biktima ngunit anim na buwan pa lamang silang may relasyon matapos na makipaghiwalay sa dati nitong kinakasama ang nasawi.
Dakong alas-9:30 nang may kumatok sa pinto ng kuwarto at nang silipin nila ay ang suspect na armado ng kalibre .45 baril.
Sinabi pa ng saksi na para makaiwas sa gulo, nagawa niyang makalabas ng kuwarto sa pamamagitan ng pagdaan sa fire exit ng unit at dahil sa pagmamadali ay naiwan niya sa kuwarto ng biktima ang kanyang bag na naglalaman ng baril, pera, cellphone at ilang alahas.
Makalipas ang ilang sandali ay muli niyang kinontak si Ong subalit hindi na ito sumasagot, maging sa mobile phone ay hindi na rin ito makontak.
Dahil dito, kasama ang isa pang kaibigang babae ni Ong ay bumalik sila sa unit nito at doon nila nadiskubre ang bangkay ng biktima na nakasubsob sa may gilid ng kama nito.
Isang masusing imbestigasyon pa rin ang isinasagawa ng pulisya ukol sa insidente. (Danilo Garcia)