Isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) dahil sa pagkabasag ng ulo ni Supt. Teodorico Perez, commander ng Station 8 ng Manila Police District (MPD).
Bukod kay Perez, isa pang pulis na nakilala lamang sa pangalang PO1 Hilarion, miyembro ng Civil Disturbance Management Unit ang nasugatan din sa komosyon.
Sa panig naman ng mga raliyista, sinasabing 30 nilang miyembro ang nasugatan ngunit apat lamang sa mga ito ang nakilala. Itoy sina JR Rodriguez, 20; Lito dela Cruz, 36; Lorena Villareal at Claire Ayudan, na pawang isinugod sa Ospital ng Maynila. Nawawala naman umano ang isa pa nilang miyembro na si Benigno Bravo.
Naaresto naman at kasalukuyang nakadetine ngayon sa MPD General Assignment Section si Andrew Zarate, 19, estudyante, miyembro ng Sining Bayan at itinuturong pumalo ng tsako kay Perez.
Base sa ulat, dakong alas-10 ng umaga nang mag-umpisang magsagawa ng protesta ang may 50 militante sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid sa may Welcome Rotonda sa Quezon City at nagmartsa patungo sa España hanggang sa Mendiola.
Agad naman silang hinarang ng pulisya nang makarating sa Morayta na dito nagkaroon ng negosasyon.
Binigyan ng 10 minutong taning ng ground commander na si Supt. Perez upang tapusin ang kanilang programa, ngunit sa halip na kusang mag-disperse ay nagkapit-bisig ang mga raliyista kaya napilitan silang bombahin ng tubig ng mga pulis.
Dito na nagsimulang magkaroon ng tulakan at paluan sa pagitan ng magkabilang panig hanggang sa isang raliyista ang nakalapit kay Perez at pinalo ito ng tsako sa ulo. (Danilo Garcia)