Nag-amok dedo, 3 sinugatan

Isang lalaking sabog sa ipinagbabawal na gamot ang iniulat na nasawi habang tatlo pa ang nasugatan kabilang ang isang pulis makaraang mag-amok ang una sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Nakilala ang nasawing nag-amok na si Bienvenido Burawin na nagtamo ng tama ng bala ng baril at residente ng Lantana St., Cubao, QC.

Nasugatan naman sa insidente si SPO3 Celso Arcoy ng QC Police-Station 7 na nagtamo ng saksak sa kaliwang braso at siko.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng umaga sa Aurora Blvd. Cubao makaraang magwala ang suspect na si Burawin na noon ay armado ng isang patalim.

Humingi naman ng tulong ang isang kagawad ng MMDA na si Timothy Teus Borromeo sa pulis na si Arcoy na mabilis namang nagresponde at pinakiusapan ang suspect na huminahon at bitiwan ang patalim. Sa halip na sumuko ay sinugod ng saksak ng suspect ang pulis kung kaya napilitan na ang iba pang nagrespondeng pulis na paputukan na ito.

Una nang pinagsasaksak ng suspect ang umano’y kanyang live-in partner na si Mary Jane dela Cruz at bayaw na si Gomer dela Cruz na ikinasugat ng mga ito.

Hinihinalang nasa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot ang suspect na nagseselos sa kanyang kinakasama. (Angie dela Cruz)

Show comments