Kidnappers ng negosyante, tugis

Nagpakalat na kahapon ang pulisya ng artist sketch ng dalawa sa limang armadong kalalakihan na dumukot sa kilalang "big-time gambling lord" at negosyante sa Navotas, kamakalawa.

Ang artist sketch, ayon kay NPD director Chief Supt. Leopoldo Bataoil na ito ay base sa ibinigay na deskripsiyon ng isang traffic enforcer na nakasaksi sa pagdukot sa biktimang si Augusto "Aging" Lisan, 62, ng Yancgo St. Brgy. Navotas East ng nabanggit na bayan.

Ang tinutukoy na dalawa sa limang suspect ay ang mismong mga humarang sa sinasakyang big bike ng biktima at kumaladkad sa huli patungo sa kanilang get-away vehicle na isang Mitsubishi Adventure na may body number 709.

Kasalukuyan umanong nagsasaayos ng trapiko ang saksi nang makita nito na tinangay ng mga suspect ang biktima.

Hanggang sa kasalukuyan ay wala pang natatanggap na tawag ang pamilya ni Aging mula sa mga abductors.

Si Aging ay sinasabing kilala umanong big-time jueteng lord sa Metro Manila ay hinarang at dinukot dakong alas-3 ng hapon kamakalawa sa Brgy. Navotas-East. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments