NAIA official binoga sa airport

Dumanak ang dugo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang barilin ng isang opisyal ng PNP-Aviation Security Group ang isang action officer ng NAIA, kamakalawa ng gabi sa departure area ng nabanggit na paliparan.

Nakilala ang nasawi na si Eduardo Tiotioen, technical assistant ni MIAA general manager Alfonso Cusi at kasalukuyang hepe ng Emergency Operations Center ng airport dahil sa dalawang tama ng bala ng baril sa katawan.

Agad namang sumuko ang suspect na nakilalang si Chief Inspector Cenon Tenorio, nakadestino sa 1st Police Center for Aviation Security (PCAS) bagamat wala itong ibinigay na anumang komento sa pangyayari.

Napag-alaman na si Tenorio ay nakatakdang magretiro sa serbisyo ngayong taong ito. Hindi nagbigay ng anumang statement ang pamunuan ng MIAA dahil wala pang resulta ang imbestigasyon.

Nabatid sa pahayag ng ilang source na una rito, nagkaroon ng alitan sina Tenorio at Tiotioen sa arrival area ng airport ng sitahin ng huli ang una dahil sa pagsalubong ng pasahero ng walang "stick-on pass".

Nangatuwiran umano si Tenorio na meron naman siyang official ID ng PNP-ASG at nakadestino naman siya sa airport. Umalis si Tenorio upang makaiwas sa pagtatalo subalit ipinahanap siya ni Tiotioen sa ilang porters.

Nakita si Tenorio ng mga porters at sinabihang hinahanap siya ni Tiotioen. Nagkaroon ng mainitang komprontasyon ang dalawa hanggang sa biglang umalingawngaw ang putok ng baril at duguang bumulagta si Tiotioen. (Butch Quejada)

Show comments