Technician pisak sa truck

Napisak ang katawan ng isang technician makaraang bundulin ng rumaragasang truck kamakalawa sa Caloocan City.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Randy Gallo, 32 ng Blk. 28 Lot 2 Hipon Alley, Dagat-Dagatan ng nabanggit na lungsod.

Hanggang sa ngayon ay blangko pa rin ang pulisya kung sino ang driver ng killer truck na nakasagasa sa biktima.

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-12 ng tanghali kamakalawa ng maganap ang insidente sa kahabaan ng C-3 Road malapit sa kanto ng B. Serrano St. Grace Park East, Caloocan City.

Nabatid na sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo na may plakang US 4360 nang biglang tumbukin ng truck na naging dahilan ng pagtilapon ng biktima.

Ilan sa mga saksi ang nakakita nang ginulungan pa pabalik ng driver ang biktima bago tuluyang tumakas patungong A. Bonifacio St. Quezon City. (Rose Tamayo)

Show comments