Eviction pa sa Fort Bonifacio mapayapa

Maliban sa dalawang nagmatigas na sundalo, naging mapayapa sa pangkalahatan ang isinagawang pagpapalayas kahapon ng Task Force Bawi sa mga overstaying na retiradong enlisted personnel ng Phil. Navy sa Naval Station sa Fort Bonifacio, Makati City kahapon.

Bunga nito, ayon kay Navy Spokesman Captain Geronimo Malabanan, puwersahang inilabas sa Married Enlisted Quarter (MEQ) ng Philippine Navy sina ret. Chief Petty Officer Mariano Fabian at ret. Petty Officer 3 Edilberto Escarillo.

Si Fabian ay nagretiro noong 2002, may utang na P65,000 sa kuryente at tubig habang si Escarillo ay napatalsik sa serbisyo noong Setyembre 2001 sa pagkakasangkot sa kasong murder na may utang na P78,000.

Una nang pinalayas ng binuong Task Force Bawi ng Phil. Navy ang may 56 retirado nitong opisyal noong nakalipas na Mayo 20, 2006.

Dakong alas-9:30 ng umaga nang simulan ng malakas na puwersa ng 2,000 Task Force Bawi sa isinagawang clearing operation sa MEQ na inookupa ng 115 retiradong Enlisted Personnel (EPs).

Nabatid na bagaman nakakuha ng "status quo order" ang mga overstaying na retiradong sundalo na muntik nang pumigil sa eviction ay lumitaw naman na ang ruling ay patungkol sa hidwaan sa titulo ng lupa sa pagitan ng mga sundalo, Department of Environment and Natural Resources at Armed Forces of the Philippines Village Association Inc. (Joy Cantos)

Show comments