NAGTALO SA SUKLI: Driver dedo sa pasahero

Buhay ang naging kapalit ng kaunting barya matapos na pagbabarilin ng hindi pa kilalang pasahero ang isang traysikel drayber nang magtalo ang dalawa sa sukli, kamakalawa ng gabi sa Pasig City.

Hindi na umabot pa ng buhay sa Pasig City General Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si Michael Fernando, 45, residente ng #7275 Molave Compound, Urbano Velasco Ave., Brgy. Pinagbuhatan, ng nasabing lungsod. Samantala, agad namang tumakas ang hindi pa nakilalang suspect matapos ang pamamaslang.

Ayon sa ulat, dakong alas-8:05 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng V. Caliwag St., Brgy. Pinagbuhatan ng nabanggit na lungsod. Nabatid na sakay ng biktima ang suspect at habang tinatahak ang nabanggit na lugar ay pumara ang suspect sa nasabing kalye.

Nang magbayad ang suspect ay agad naman itong sinuklian ng biktima subalit umangal ang una na kulang ito ng P2. Nauwi sa pagtatalo ang usapan ng dalawa kung kaya’t agad na tumalikod ang biktima upang huwag nang humaba pa ang usapan. Lingid sa kaalaman ng biktima ay nagbunot ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril ang suspect at pinagbabaril ang biktima.

Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang suspect at sumakay ng ibang tricycle na pinara nito at nagpahatid sa hindi nabatid na direksiyon.

Nagsasagawa na ng manhunt operation ang pulisya para sa ikalulutas ng kaso. (Edwin Balasa)

Show comments