3 carjacking gang kumikilos sa MM

Tatlong itinuturing na big-time carjacking gang na aktibong kumikilos sa Metro Manila ang target ngayon ng malawakang hot pursuit operations ng PNP-Traffic Management Group (PNP-TMG).

Ito ang ibinulgar kahapon ni PNP-TMG director Chief Supt. Errol Pan kaugnay na rin ng puspusang operasyon ng kanyang tanggapan para malipol ang nasabing grupo ng mga carjacker.

Ayon kay Pan, dalawa sa mga big-time carjacking gang ay kumikilos sa Quezon City habang ang isa pa ay sa Makati City nagsasagawa ng kanilang malawakang operasyon.

Sa tala ng TMG, sinabi ni Pan na dalawang behikulo ang average na nanakaw ng grupo ng mga carjackers sa loob ng isang araw.

Samantalang sa kabuuang 1.8% ng naitalang kaso ng carjacking sa taong ito, 80 porsiyento nito ay nangyari sa National Capital Region (NCR) at 20 porsiyento naman ay sa labas ng Metro Manila.

Nabatid pa sa opisyal na sa labas ng Metro Manila karaniwan ng umaatake ang grupo ng mga carjacker sa mga lungsod ng Davao, Cebu, Angeles City at iba pang lugar sa Region 3.

Gayunman, sinabi ni Pan na sa nasabing mga insidente ay lumilitaw na 50 porsiyento ng mga inirereport na nawawalang sasakyan ay mga kaso ng ‘carnap me vehicle’.

Samantala sa kabila ng puspusang operasyon umano ng TMG, minsan pa silang nalusutan nang kumana na naman ang kilabot na sindikato ng carjacking sa Quezon City makaraang mabiktima nito ang isang negosyante sa naturang lungsod.

Napag-alaman na mismong sa tapat ng bahay ng biktimang si Troy Chan sa Scout Fernandez St., Brgy. Sacred Heart, Quezon City kinarjack ang kanyang Toyota Corolla na may plakang TMK-541 dakong alas-9:30 ng umaga. (Joy Cantos at Angie dela Cruz)

Show comments