QC Jail handa sa riot

Tiniyak ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at ng Quezon City Jail na matutugunan nila ang insidente ng riot sakaling mangyari ito sa pagitan ng mga preso.

Ang paniniyak ay ginawa nina Chief Supt. Antonio Cruz, hepe ng BJMP at QC Jailwarden Sr. Supt. Ignacio Panti nang isagawa ng isang dry run sakaling pumutok ang insidente ng riot.

Ayon sa mga opisyal, kailangan na mayroong contingency plan ang kanilang pamunuan upang agad na maiwasan ang pagsiklab ng anumang insidente sa loob ng kulungan lalo pa’t nagkakaroon ng iringan ang magkakaibang brigada.

Ipinakita din ng mga tauhan ng QC Jail ang kanilang mga dapat na gawin sakaling magkaroon ng gulo sa loob ng piitan.

Anila, handa ang BJMP at QC Jail sa anumang uri ng gulo upang maiwasang magkasakitan ang mga preso dulot ng pagkabagot, pagkalungkot at kawalan ng pag-asa .

Dahil dito, iginiit ng BJMP at QC Jail ang madalas na pakikipag-ugnayan sa mga preso at ang pagpapalakas ng loob at pagbibigay ng pag-asa sa kanilang buhay sa kabila ng kanilang pagkakapiit sa rehas na bakal. (Doris Franche)

Show comments