Bus at jeep nagsalpukan: 2 todas

Dalawa katao ang kumpirmadong nasawi matapos na magsalpukan ang isang pampasaherong jeep at bus sa kahabaan ng Quirino Hi-way sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Kapwa dead-on-the-spot ang dalawang hindi pa nakikilalang pasahero ng jeep na isang babae at isang lalaki. Ang kanilang mga labi ay kasalukuyang nakalagak sa Urban Funeral at Prime Funeral Homes.

Samantala, pinipigil naman ngayon sa Quezon City Police District-Traffic Sector 2 ang driver ng jeep na si Odelon Baldo, 23, residente ng Creek Site, Commonwealth, Quezon City, habang mabilis namang tumakas ang driver ng bus.

Sa isinumiteng report ni P/Insp. Jesus Apostoles, hepe ng naturang himpilan, naganap ang insidente dakong alas-5:00 ng madaling-araw sa kahabaan ng Quirino Hi-way sa boundary ng Novaliches at Caloocan City.

Nabatid na binabagtas ng pampasaherong jeep na may plakang PXX-192 ang Quirino Hi-way nang salpukin ito ng isang rumaragasang Leks Star Bus na may plaka namang TVB-626. Parehong nagtamo ng matinding pagkawasak ang dalawang sasakyan at dahil sa lakas ng impact ay agad na namatay ang dalawang biktima.

Sumuko naman sa mga awtoridad ang driver na si Baldo habang ang driver ng bus ay agad na iniwan ang minamanehong sasakyan upang takasan ang kanyang responsibilidad sa mga biktima.

Nagsasagawa pa rin ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad kaugnay sa insidente. (Doris m. franche)

Show comments