Ayon kay Inspector Arnel Sarino, food service officer sa Manila City jail na kahit kaunting apog ay walang hinahalo sa kanin ng mga preso.
Ipinaliwanag pa nito na ang kasalukuyang pamunuan ng MCJ-BJMP ay pinag-iibayo ang kahalagahan ng dekalidad at mahusay na serbisyo sa paghahanda ng pagkain para sa mga bilanggo.
"Ang paghalo ng konting apog sa sinasaing na bigas ay isang napakadelikado na bagay na maaaring magdulot ng pagkalason sa isang tao," pahayag pa ni Sarino.
Kung ang kaunti ay delikado na mas lalo pa umano ang sinasabing 4:1 ng bigas at apog na nailagay sa ulat.
"Ang report ay pawang dulot ng isang malisyosong imahinasyon na ang halatang motibo ay upang sirain ang magandang pamamalakad ng pamunuan ng piitan," dagdag pa sa sulat ni Sarino.
Sa katunayan umano, simula ng hawakan ng BJMP ang Manila City jail noong 1992 ni minsan umano ay walang preso na namatay dulot ng pagkalason sa pagkain ng kanin o anumang pagkain na kanilang inihahain.
Isang kautusan umano ang ibinigay ng kanilang warden na si Supt. Allan Iral na lalong pagbutihin ang paghahanda ng pagkain sa mga preso. (Gemma Amargo-Garcia)