Nakilala ang nadakip na suspect na si Rodolfo Peria Arahan, 45, ng Brgy. Hulugan, Tanza, Cavite.
Sa ulat ni NBI Anti-Terrorism Division chief Atty. Carlo Vasquez nakatanggap sila ng impormasyon ukol sa isang residente ng Tanza, Cavite na nag-iimbak ng mga pampasabog, mga kemikal at iba pang gamit sa pagbuo ng bomba.
Sinalakay ng ahensiya ang bahay ni Arahan sa bisa ng search warrant na inilabas ng Manila Regional Trial Court nitong Mayo 19. Nakumpiska sa bahay nito ang 37 live blasting caps, 247 improvised blasting cap casing, 23 pirasong time fuse, bulto-bultong explosive chemicals at iba pang equipment.
Sinabi ni NBI Acting Director Atty. Nestor Mantaring na kahalintulad ang nakumpiskang mga sangkap sa ginagamit ng grupong Jemaah Islamiya sa kanilang mga operasyon. Malaki rin ang paniniwala nito na kasapi ang nadakip na si Arahan sa mga grupong nais maghasik ng lagim sa bansa.
Sinabi nito noong Hunyo 2003, nadakip ang teroristang si Muklos Yunos, dating bomb trainer ng MILF-Special Operations Group. Ibinulgar nito na nakukuha nila ang mga sangkap sa paggawa ng bomba sa Cebu, Bulacan at Cavite. Isang malawakang pambobomba ang iniutos sa kanila nang magdeklara ng Jihad sa pamamagitan ng isang Abu Sayad.
Kasalukuyang nakikipag-ugnayan naman ngayon ang NBI sa Australian Federal Police na nasa Maynila upang mabatid ang pagkakahalintulad ng mga nakumpiskang sangkap na ginamit sa pambobomba sa Bali, Indonesia.