Sa panayam kay Supt. Napoleon Cuaton, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Caloocan City police, isinampa ang kasong murder sa Caloocan City Prosecutors Office laban kina JO2 Reynaldo Nicolas ng Navotas Municipal Jail at JO2 Ramon Rivera ng Cainta Municipal Jail.
Nabatid na tumugma ang cartographic skecth ng mga suspect sa orihinal na mga litrato ng mga ito ng suriin ang rank and file ng BJMP.
Ayon na rin sa pulisya, lahat ng mga ibinigay na diskripsyon ng mga saksi ay nagkatugma-tugma at pawang ang mga nabanggit na suspect ang itinuturong mga salarin sa pagpaslang kay Orsolino.
Naging positibo rin ang motibong personal vendetta makaraang mapatunayan na si JO2 Rivera ay kamag-anak ni Frank Sabe Jr. na nakaaway ni Orsolino noong nakaraang taon.
Si Sabe ay pinagbabaril at napatay noong nakalipas na Mayo 18, ng nagdaang taon at si Orsolino ang siyang pinagbintangan ng mga kaanak nito. Kinasuhan ng pamilya Sabe si Orsolino subalit idinismis din ng korte dahil sa kawalan ng kaukulang ebidensiya.
Bukod sa pagiging mediaman, barangay kagawad din sa kanilang lugar sa Tonsuya, Malabon si Orsolino.
Nabatid na hindi na matagpuan pa si JO2 Rivera na nag-AWOL matapos ang naganap na pagpaslang kay Orsolino.
Nagpahayag naman ng kasiyahan ang pamilya ni Orsolino dahil sa mabilis na aksyon sa naturang kaso.
Magugunitang tinambangan ng dalawang suspect ang biktima noong Martes ng umaga sa isang gasolinahan sa Caloocan City.