Away bata, nauwi sa away ng matatanda: 1 dedo

Patay ang isang 31-anyos na lalaki makaraang pagsasaksakin ito ng kanyang kapitbahay matapos na makialam sa away ng mga bata, kamakalawa ng gabi sa Marikina City.

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Amang Rodriguez Medical Center sanhi ng tinamong tatlong saksak sa katawan ang biktimang si Fortunato Gan, driver, habang agad namang naaresto ang suspect na si Ariel Sumampong, 35, technician, kapwa resident ng M.L. Quezon St., Brgy. Parang ng nabanggit na lungsod.

Ayon sa pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi matapos na magsumbong sa suspect ang anak nitong batang lalaki na nakipag-away naman sa pamangkin ng biktima.

Agad na sumugod ang suspect bitbit ang patalim sa lugar na pinag-awayan ng mga bata.

Hinarap naman ito ng biktima hanggang sa away ng mga bata ay nauwi na sa away ng mga matatanda.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at suspect hanggang sa sugurin ng saksak ng huli ang una.

Nagtangka pang tumakas si Sumampong subalit agad din siyang naaresto ng mga rumespondeng barangay tanod. (Edwin Balasa)

Show comments