Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame, iniharap nina NCRPO chief Director Vidal Querol; SPD director Senior Supt. Wilfredo Garcia at Las Pinas Police chief Supt. Josephus Angan ang suspect na bugbog sarado sa taumbayan na si Llyod dela Cruz, 22, ng Brgy. Sto. Tomas, Infanta, Quezon.
Ayon sa mga opisyal, si dela Cruz ang sinasabing isa sa dalawang bumaril sa biktimang si Lino de Castro, brgy. chairman sa Almanza Dos, Las Piñas City at residente ng Gladiola St., TS Cruz Subdivision sa naturang lugar.
Nabatid na naganap ang pamamaslang sa biktima dakong alas-5:45 ng hapon sa tapat ng bahay nito.
Nakatayo umano ang biktima sa tapat ng kanyang bahay at nakikipag-usap sa ilang kaibigan nang paligiran ng apat na suspect at paulanan ng bala.
Agad na isinugod ang biktima sa Alabang Medical Center subalit hindi na ito umabot pa nang buhay habang mabilis na nagsitakas ang mga salarin.
Gayunman, nakorner ng mga taumbayan ang suspect na si dela Cruz na pinagtulung-tulungang gulpihin.
Patuloy pa ring sinisiyasat ang naturang kaso para malaman ang motibo sa likod ng isinagawang pagpaslang sa biktima. (Joy Cantos at Lordeth Bonilla)