Mag-asawa natusta sa sunog

Kapwa natusta ang isang mag-asawa nang masunog ang kanilang bahay dahil sa naiwang nakasinding kandila, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Halos hindi na makilala ang mga biktimang sina Joseph at Marites Navara nang matagpuan ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection dakong alas-9:30 ng gabi sa Maya St., Brgy. Bagong Silangan ng nabanggit na lungsod.

Lumilitaw sa imbestigasyon na dakong alas-8:30 ng gabi makaraang makalimutan ng mag-asawa na patayin ang kandila sa ibabaw ng kanilang mesa.

Bago ang sunog, nabatid na nag-inuman pa ang mag-asawa at nang kapwa makaramdam ng kalasingan ay nagpasya nang matulog. Posibleng nakalimutan na ng mga ito ang nakasinding kandila na siyang pinagsimulan ng sunog.

Maaari ring dahil sa labis na nainom ay hindi na nakuha pang makalabas ng bahay ng mag-asawa.

Tinangka rin ng kanilang mga kapitbahay na saklolohan ang mga ito subalit mabilis na kumalat ang apoy sa barung-barong na bahay ng mga nasawi.

Dakong alas-9:45 ng gabi nang maapula ang apoy kung saan nakita pang magkayakap ang mag-asawa.

Show comments