Patay na nang idating sa Philippine National Railways (PNR) Hospital sa Samson Road, Caloocan City si Albert Orsolino, 45, Malacañang beat reporter ng pahayagang SAKSI.
Sa panayam kay Senior Supt. Geronimo Reside, hepe ng Caloocan City Police, dakong alas-9:30 ng umaga nang tambangan si Orsolino ng dalawang kalalakihan na sakay sa isang scooter na may plakang UN 4534 sa Letre Road, Caloocan City.
Nabatid na papasok na si Orsolino sa Hanibal Gasoline Station sa nabanggit na lugar upang magkarga ng gasolina sa kanyang kotse nang biglang harangin ng mga suspect.
Nagawa pa umanong makalabas ng kanyang kotse ni Orsolino at nakatakbo mismo sa gasolinahan at pilit na inagaw ang isang gasoline pump upang iwasiwas sa mga suspect subalit naunahan na siyang pagbabarilin ng mga ito.
Duguang humandusay si Orsolino habang mabilis na tumakas ang mga suspect lulan ng isang FX na may plakang WFR 245 na inagaw ng mga ito sa isang nagpapagasolina na si Manuel Navarro.
Tinutukan ng baril ng mga suspect si Navarro at tinangay ang FX nito na ginamit na get-away vehicle, habang iniwan na ang nauna nilang sinakyan na motorsiklo.
Limang basyo ng kalibre .45 baril ang narekober sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
Inaalam pa rin ng pulisya kung ano ang posibleng motibo sa isinagawang pagpaslang sa mamamahayag, habang naglunsad na ng manhunt operation ang pulisya laban sa mga suspect.
Samantala, dagliang inatasan ni Pangulong Macapagal Arroyo ang liderato ng PNP na siyasatin at resolbahin ang ambush-slay kay Orsolino.
Tiniyak din ng Pangulo sa pamilya ng napatay na mamamahayag ang mabilisan na pagkakadakip sa utak ng ambush.