Sa panayam kay NPD director Police C/Supt. Leopoldo Bataoil, walo sa 15 mga naaresto ay mga menor-de-edad at pawang mga residente ng Caloocan City na kinabibilangan ng isang 13-anyos na batang babae.
Kinilala naman ni Bataoil ang ilan sa mga nadakip na sina Rex de Leon, 20; Isagani San Pedro, 27; Jose Banal, 27; Celso Alejandro, 44; Joel Atobang, 22; Junboy Panero, 22; at Jovelyn Matinao, 21.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-8 ng gabi nang salakayin ng NPD operatives ang Sangandaan Public Cemetery sa kahabaan ng M.H. del Pilar St., Caloocan City at naaktuhan ang mga naaresto na sumisinghot ng droga at rugby sa ibabaw ng nitso ng nasabing sementeryo.
Nadiskubre rin ng operatiba ang mga ginawang tarima sa loob ng sementeryo na pinagpupugaran ng mga nadakip.
Kasalukuyan namang pinaghahanap ang sinasabing lider o supplier ng droga at solvent ng mga naaresto na hindi muna pinangalanan.
Nabatid na nag-ugat ang operasyon makaraang ulanin ng reklamo si Caloocan City Mayor Enrico "Recom" Echiverri ng mga residente hinggil sa nasabing matagal nang ilegal na operasyon sa loob ng nasabing sementeryo.
Bukod pa rito, naglipana rin ang mga solvent kids na lantarang sumisinghot ng rugby sa harapan ng Sangandaan Public Cemetery at mga kalapit na establisimiyento na sinasabing naging ugat din ng serye ng nakawan sa nasabing lugar.
Malaki naman ang paniniwala ng mga residente na hindi tuluyang nalansag ng operatiba ang grupo ng mga naaresto dahil sa kakapiranggot lamang umano na bahagi ng sementeryo ang sinuyod at ang sa gawing parte o tagos na sementeryo ng Sangandaan na Tugatog Public Cemetery ng Malabon City ay hindi nagalaw.
Una nang nabunyag na ang mga nabanggit na sementeryo ay pinamumugaran ng mga kabataang sangkot sa tinatawag na "sex palit drugs" na napag-alamang lantarang nakikipagtalik sa ibabaw ng nitso sa mga supplier ng droga o solvent. (Rose Tamayo-Tesoro)