Ayon kay Lacuna, nakahanda ang lahat ng equipment at mga pumping stations upang makontrol ang posibleng pagbaha sakaling bumagsak ang malakas na ulan at magbaha sa mababang bahagi ng Metropolis.
Ayon sa nasabing opisyal, naisagawa nila ang rehabilitasyon at drainage declogging operations noong tag-araw bilang paghahanda na rin sa tag-ulan at pagbubukas ng klase.
Nabatid na double-time ang isinagawang paglilinis ng mga tauhan ng flood control sa mga inlets at drainage system, kanal, estero at ilog. Naging abala din ang mga ito sa pag-aalis ng mga nakabarang basura sa daluyan ng mga tubig.
Kampante si Lacuna na malabong matulad ang Metro Manila sa mga nakaraang paglubog sa baha dahil nakahanda sila at may preparasyon sa tag-ulan.
Kaugnay ng bagyong Caloy, binanggit nito na bagamat mahina ang ulan ay may dala naman itong malakas na hangin kung kaya kailangan din ang lubhang pag-iingat lalo na sa mga pangunahing lansangan na natatayuan ng naglalakihang billboard na maaaring itumba o ibagsak ng hangin.
Mas makabubuti rin sa mga pamilya na nakatira sa tabing ilog na pansamantalang lisanin ang kanilang mga bahay sa posibleng biglaang pagtaas ng tubig. (Lordeth Bonilla)