17 preso pumuga sa MPD station 7

Nalusutan ng may 17 bilanggo sa detention cell ng Manila Police District-Station 7 ang kanilang mga bantay matapos na walang kahirap-hirap na makatakas ang mga ito, kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Muli namang nadakip sa isinagawang follow-up operation ang anim sa mga preso na nakilalang sina Christian Garcia, may kasong robbery snatching; Jaime Salcedo, robbery snatching; Roberto Macalalad, theft; Rolando Alba, assault at Marlon Fernando, illegal drugs at Edwin Magasura.

Patuloy namang pinaghahanap ang 11 pang pugante na sina Jonathan Pantig, rape; Ariel Dollente, robbery snatching; Roosevelt Bondoc, snatching; Divino Jimenez, illegal possession of deadly weapons; Rolando Bautista, snatching; Florecel Gutierres, gambling; Roy Serrano, illegal drugs; Sonny delos Reyes, hold-up; Rolando Dizon, assault; Jonathan Poreda, hold-up at Carlito Relox, illegal drugs.

Ang naturang pagtakas ng mga bilanggo ay itinaon sa pormal na pag-upo kahapon bilang hepe ng Station 7 na si Supt. Arturo Paglinawan matapos ang isinagawang balasahan kamakalawa.

Ipinag-utos ni MPD director Chief Supt. Pedro Bulaong sa Task Force Galugad ang manhunt operation laban sa mga tumakas na bilanggo.

Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na maaaring tumakas ang mga preso sa pagitan ng alas-11 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw kung saan gumamit ng improvised na susi na ginamit sa padlock ng kanilang selda. (Danilo Garcia)

Show comments