Kinilala ang nasawing biktima na si Rogelio Ticman, kamag-anak ni Chief Supt. Luiso Ticman, na nakatalaga sa Camp Crame, residente ng Doge City, Brgy. Sagad ng lungsod na ito habang kasalukuyang ginagamot sa ospital ang kasama nitong si Nestor Sarvida, 34, ng #7-C Valiente St., Bagong Ilog, Pasig.
Samantala, kasalukuyan namang nakaratay sa Rizal Medical Center sanhi ng tinamong bugbog sa katawan at putok sa ulo ang pulis na si PO1 Daniel Lobchokan Marna, 29, miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Eastern Police District (EPD).
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-8:20 ng umaga habang naglalakad si Marna at ang kanyang asawa sa kahabaan ng Doge City St. ng nasabing barangay nang bigla umano silang pagtripan ng grupo ni Ticman na napag-alamang lango sa alak nang sipain ng isa sa mga ito ang paa ng pulis.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang pulis at grupo ni Ticman hanggang sa pagbubugbugin ang una ng mga huli. Nagawa namang makatakbo pa ng pulis subalit inabutan uli ito ng nasabing grupo at pinagpapalo ng tubo at kahoy.
Doon na binunot ni Marna ang kanyang 9mm service firearm at nagpaputok ng dalawang beses sa nasabing grupo na ikinatama nina Ticman at Sarvida.
Namatay si Ticman ilang oras habang ginagamot sa Pasig City General Hospital dahil sa inabot na tama sa tiyan. Sa panig naman ni Marna, sinabi nitong kaya lang siya nagpaputok ay upang depensahan ang kanyang sarili dahil sa ginawang pambubugbog ng nasabing grupo. (Edwin Balasa)