Braso at binti ng 4-anyos lasog sa tren

Kalunus-lunos ang naging kamatayan ng isang 4-anyos na batang lalaki matapos na maputol ang braso at binti nito nang mahagip ng isang tren ng Philippine National Railways (PNR) sa Tondo, Maynila kahapon ng umaga.

Naisugod pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center ngunit hindi na rin umabot ng buhay ang biktimang si Michael Jimenez, ng 1069 New Antipolo St., Tondo.

Sa inisyal na ulat ng MPD-Homicide Section dakong alas-10 ng umaga nang maganap ang insidente kung saan naglalakad sa gilid ng riles ang bata.

Ayon sa mga saksi, tumabi naman ang bata nang makitang paparating ang tren ngunit naipit ito sa isang tambak na lupa sa gilid ng riles kaya hindi ito gaanong nakalayo.

Dito na nahagip ang paslit ng tren na may body number 919. Ayon sa ama ng bata na si Alejandro, 51, hindi niya napansin na bumaba ng kanilang bahay ang anak na mahigpit niyang pinagbabawalan kapag may parating na tren. (Danilo Garcia)

Show comments