Van hinayjack: P.1M halaga ng Purefoods products natangay

Umaabot sa mahigit P100,000 halaga ng produkto ng Purefoods ang natangay ng limang armadong kalalakihan makaraang harangin ng mga ito ang isang van na puno ng hotdog at ham, kahapon ng madaling-araw sa Marikina City.

Ayon kay SPO1 Arnel Manuel, may hawak ng kaso, naganap ang insidente dakong alas-12:20 ng madaling-araw sa kahabaan ng Redwood St., New Marikina Subd., Brgy. Sta. Elena, ng lungsod na ito.

Nabatid sa mga biktimang sina Allan Teves, 24; at Shiela Bogaforo, 21, driver at helper ng isang Isuzu Elf refrigerated van na may plakang RCP-293, galing sila sa pagkuha ng mga produkto sa pabrika ng Purefoods at tinatahak ang kahabaan ng Redwood St. nang mapansin nilang may malaking putol ng kahoy na nakaharang sa kalsada.

Paghinto ng van at tatanggalin sana ng mga biktima ang nakaharang na kahoy ay biglang lumabas ang limang armadong suspect at tinutukan sila ng baril.

Matapos pababain sa kanilang van ay nilagyan ng packing tape ang mga mata at pagkatapos ay iginapos ang mga kamay at paa ng mga biktima bago isinakay sa isang sasakyan.

Sa salaysay ng mga biktima, isinama sila ng mga suspect at makalipas ang halos dalawang oras ay ibinaba sila sa isang lugar at iniwan doon. Nalaman na lamang umano ng mga biktima na nasa Daang Hari, Cavite City sila nang makita sila ng ilang residente rito na siyang tumulong upang magsumbong sila sa pulisya. (Edwin Balasa)

Show comments