Ang pag-alma ng transport group sa pangunguna ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators (PISTON) ay bunsod sa bagong kautusan ng MMDA na hulihin ang mga driver na may putok o body odor.
Sinabi ni PISTON Spokesman George San Mateo na wala nang maisip ang tanggapan ni MMDA Chairman Bayani Fernando kung paano mapapataas ang pondo ng ahensiya at ang sinasakripisyo ay ang mga driver.
Kasabay nito, hinamon din niya si Chairman Fernando na magmaneho ng jeep sa buong maghapon sa ilalim ng init ng araw at sasaluduhan nila ito kapag hindi nagpawis.
Dapat aniya, bigyang ng konsiderasyon ng MMDA ang mga tsuper na halos 24-oras na kumakayod sa pagmamaneho para lamang maitawid sa gutom at mapag-aral ang kanilang mga anak.
Tinuligsa ng PISTON ang MMDA sa pagbabalik nang usapin sa body odor, kasabay ng kanilang tanong na sino naman umano ang huhuli sa mga traffic enforcers ng MMDA na may putok dahil maghapon ding nakabilad ang mga ito sa lansangan sa pagmementina ng trapik.
Tiniyak din ng grupo na hindi dumaan sa Metro Mayors Council ang bagong ordinansa ni BF. (Lordeth Bonilla at Angie dela Cruz)