Riot sa Bicutan jail: 9 sugatan

Siyam na preso kabilang ang apat na hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf ang nasugatan sa riot na naganap sa pagitan ng dalawang gang sa loob ng bilangguan sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Isinugod sa Rizal Medical Center ang mga biktima na nakilalang sina Iraji Isnaji; Ibrahim Upao; Omar Soon at Allan Mamaluba, pawang hinihinalang miyembro ng ASG; Marvin Sandoval; John Amerocio; Rolando Advincula at Julius Felix.

Sa ulat na natanggap ng Taguig Police, naganap ang insidente dakong alas-5:30 kamakalawa ng hapon sa loob ng Metro Manila District Jail na matatagpuan sa loob ng Camp Bagong Diwa, Brgy. Bicutan ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na nagkaroon ng engkuwentro ang magkalabang grupong "Bahala na Gang" at "Sigue-Sigue Sputnik" sa hindi pa mabatid na dahilan.

Napag-alaman na nagsuntukan muna ang mga presong sangkot sa engkuwentro hanggang sa tuluyang mauwi sa riot. Ilan sa mga bilanggo ay may hawak nang mga home made na patalim.

Nagresulta ito upang masugatan ang siyam na preso.

Mabilis na isinugod ng mga awtoridad ang mga sugatang biktima sa nabanggit na pagamutan at ibinalik din sa kani-kanilang selda makaraang lapatan ng lunas.

Patuloy na iniimbestigahan ang kaso. (Lordeth Bonilla)

Show comments