Ayon kay Rodalyn Badilla, 25, tubong Tacloban at residente ng Antipolo City ipinasya niyang sampahan ng kaso si Fuentes nang ipakulong siya nito sa QC Police-Galas Station noong nakaraang Lunes bunga umano ng pagnanakaw ng pera at relo ng aktres.
Sinabi naman ni Fuentes, ng Ford Street Rolling Hills Subdivision, New Manila, QC, na Marso pa lamang nang kanyang maging katulong si Badilla at kinuha ang kanyang pera na P1,000 noong Abril 17 sa loob ng masters bedroom.
"Nung unang pinagnakawan niya ako, humingi pa siya ng another chance na pinagbigyan naman namin bastat huwag na lamang niya uli gagawin. At inamin niya na ninakaw niya talaga ang pera ko," ani Fuentes .
Noong Lunes nang ipasya ni Badilla na umalis na at huwag ng magtrabaho. Subalit bago makalabas ng bahay si Badilla ay sinabihan siya ng dating aktres na tingnan ang mga gamit nito.
Nagulat si Fuentes nang makita ang wristwatch at ilang mga alahas sa bag ni Badilla na nagbunsod sa kanya upang humingi ng tulong sa mga security officer ng subdibisyon.
Agad namang dumating ang BSDO ng Barangay Damayang Lagi, kung saan kapwa dinala sa barangay hall sina Badilla at Fuentes.
Iginiit ni Badilla na nasa barangay hall sila nang pilitin siya ni Fuentes na gumawa ng affidavit na umaamin sa kanyang ginawang pagnanakaw ng pera at wristwatch.
"Pinilit niya ako na gumawa ng affidavit para aminin ko na ninakawan ko siya. Siya (Fuentes) mismo ang nagdikta sa akin kung ano ang isusulat ko sa affidavit. Napagkasunduan namin na kapag pinirmahan ko yung affidavit ay hindi na niya (Fuentes) ako pakukulong. Pinirmahan ko yung affidavit dahil ayokong makulong at gusto ko nang makauwi. Pero pagkatapos kong pirmahan ay pinakulong niya ako sa Galas Police Station," ani Badilla.
Itinanggi naman ni Fuentes ang akusasyon kung saan sinabi nito na tinangka pa ng mga BSDO na ayusin ang kanilang gulo.
Sa ginawang inquest proceeding kahapon, inirekomenda naman ni Assistant City Prosecutor Solivan Usman na ang kasong grave coercion laban kay Fuentes at qualified theft laban kay Badilla ay isailalim sa preliminary investigations ng QCPO upang maisumite ang kani-kanilang mga ebidensiya. (Doris Franche)