Kinilala ni Atty. Ruel Lasala ng NBI-National Capital Region ang suspect na si Gucci York, 27, binata, at pansamantalang naninirahan sa Sampaloc, Manila. Nakatakas naman ang isa pa nitong kasamahan na nakilala lamang sa alyas na "Fidel".
Sa imbestigasyon, lumapit sa kanilang tanggapan ang mga biktimang itinago sa pangalang Naty, 23; at Letty, 24. Sinabi ng mga ito na nakilala nila sina York at Fidel noong Abril 23 sa LA Café bar sa Ermita, Manila at nakipagkasundo na makipagtalik sa kanila sa halagang P2,000 bawat isa.
Ikinulong pa umano sila ng mga suspect ngunit nagawa nilang makatakas nitong Abril 26 at agad na nagtungo sa NBI. Mabilis na sinalakay ng mga ahente ang naturang apartment kung saan nadakip si York ngunit hindi naabutan ang suspect na si Fidel.
Nakumpiska naman sa loob ng apartment ang mga ginupit na itim na papel na kasinlaki ng dollar bill. Dito nakumpirma na miyembro ang mga suspect ng grupong "Black Dollar syndicate" na nakaloko na ng napakaraming biktima.
Ayon kay Lasala, inaakit ng mga suspect ang kanilang biktima na bumili ng espesyal na kemikal at ng mga itim na papel na umanoy magiging tunay na US dollars.
Ipapakita pa ng grupo ang pagbuhos ng kemikal sa mga itim na papel na magiging dolyares na inipit lamang nila upang lokohin ang mga biktima. Kapag ipinasuri sa isang bangko, lalabas na genuine ang dolyar at maeengganyo na bumili ng kemikal at itim na mga papel ang mga biktima sa halagang P200,000 hanggang P500,000. (Danilo Garcia)