Ayon kay NBI Regional Director (RD) deputy director for intelligence services (DDIS) Atty. Edmund Arugay, magiging malaking tulong umano sa kanilang intelligence gathering kapag naipatupad na ang ID system sa bansa.
Iginiit pa ni Arugay na kahit na ang executive order no. 420 o ID system ay para lamang sa mga government entities na mayroon nang kasalukuyang ID system, malaking tulong pa rin umano ito sa NBI.
Nilinaw pa ni Arugay na noon pang 2004 nangako ang United States sa NBI na magbibigay ng libreng Automated Fingerprints Identification System (AFTS) na maaaring gamitin sa pagkilala sa mga kriminal kapag nakuha ang kanilang mga fingerprints sa crime scene.
Subalit hindi umano natuloy ang naturang donasyon matapos na mapalaya ang overseas Filipino worker na si Angelo dela Cruz mula sa kanyang pagkakabihag sa Iraq. Ito ay dahil sa pinaatras ng gobyerno ang mga Pilipinong tropa ng militar na nakatalaga sa Iraq dahil na rin sa pagbabanta ng mga rebeldeng bumihag kay dela Cruz na pupugutan ito sa sandaling hindi nila iatras ang humanitarian troops. (Gemma Amargo-Garcia)