Positibo sa ultra violet powder ang suspect na si Carmen Reboredo, fiscal examiner sa head office ng NAPOLCOM sa Makati City na sasampahan ng kasong kriminal at administratibo dahil sa paglabag sa Republic Act. No. 3019 o anti-graft and corrupt practices act.
Kinilala naman ang nagharap ng reklamo na si Charito Perez-Reyes, biyuda ni PO3 Armando Reyes.
Ayon sa sumbong ng biyuda, hinihingan umano siya ni Reboredo ng halagang limang libong piso upang mapabilis anya ang pagsasaayos ng mga papeles para sa kine-claim niyang benepisyo ng yumao niyang asawa.
Mabilis namang nakipagkasundo ang biyuda sa suspect, gayunman lingid sa kaalaman ng huli nagtungo ang una sa himpilan ng PNP-CIDG upang ireklamo ang pangongotong nito.
Dakong alas-3 ng hapon isinagawa ang entrapment operation laban kay Reboredo mismo sa tanggapan ng NAPOLCOM. (Lordeth Bonilla)