Kinilala ni PNP-TMG Director, Chief Supt. Errol Pan ang mga nasakoteng suspect na sina Christian Lim, 31; at Jay Jodie Bautista, 25, na nakumpiskahan ng puting Suzuki Esteem wagon na may plakang WAV-950.
Ang mga suspect ay nasukol ng mga operatiba ng PNP-TMG Task Force Limbas malapit sa Santolan gate ng PNP Headquarters sa Camp Crame dakong ala-1:30 ng madaling-araw.
Ayon kay Task Force Limbas Office-in-Charge Chief Insp. Hansel Marantan, nagsimula ang habulan sa kahabaan ng Katipunan Avenue patungong White Plains bandang ala-1 ng madaling-araw makaraang tumanggi ang mga suspect na tumigil nang i-flagged down ng mga awtoridad sanhi ng paglabag sa trapiko.
Sinabi ni Marantan na walang Land Transportation Office sticker ang rear plate ng sasakyan subalit sa halip na huminto ay lalong pinasibad ng mga suspect ang sasakyan hanggang sa maabutan sa nabanggit na lugar.
Maliban sa inimpound na sasakyan, nakumpiska rin sa mga suspect ang isang caliber .45 pistol at isang .22 caliber pistol with silencer; habang isa sa mga ito ay pinaghihinalaang bangag sa ipinagbabawal na gamot.
Mahigpit naman umanong itinanggi ng mga suspect ang anumang may kinalaman sa carjacking activities subalit nang inspeksiyunin ang mga gamit na cellphone ay nadiskubreng nakikipagpalitan ang mga ito ng text messages sa isang Jayjay delos Santos, isang pinaghihinalaang financier ng Valle Verde gang na pansamantalang nakakalaya matapos makapagpiyansa kaugnay ng nabanggit na illegal na aktibidad.
Sa interogasyon, kinumpirma rin umano nina Lim at Bautista na kilala ng mga ito ang 3 napatay na suspected carnappers noong Nobyembre 7, 2005 sa Pasig City na sina Brian Dulay, Francis Xavier Manzano at Anton Co-Unjieng. (Joy Cantos)