Estudyante binoga ng bestfriend

Kritikal ang isang 19-anyos na estudyante makaraang barilin ng kanyang dating matalik na kaibigan, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Kasalukuyang inoobserbahan sa intensive care unit (ICU) ng Manila Metropolitan Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa mata ang biktimang si Anthony Capistrano, ng M.H. del Pilar St., Brgy. 117, ng nabanggit na lungsod.

Nagsasagawa naman ng pagtugis ang pulisya laban sa suspect na si Ian Sebastian, kapitbahay din ng biktima.

Batay sa ulat ni SPO1 Victor Lalata at PO3 Noel Gregorio, may hawak ng kaso naganap ang insidente dakong alas-12:15 ng madaling-araw sa kahabaan ng M.H. del Pilar St., 5th Avenue, Caloocan City. Kasalukuyang naglalakad ang biktima sa nabanggit na lugar nang bigla itong barilin ng suspect. Mabilis na tumakas ang suspect matapos ang insidente.

Nabatid na dating matalik na magkaibigan ang dalawa hanggang sa magkaroon ng alitan sa hindi malamang dahilan.

Patuloy ang isinasagawang pagtugis sa suspect at ang pagsisiyasat sa kaso para matukoy ang motibo dito. (Rose Tamayo Tesoro)

Show comments