Ayon kay Billardo Torres, 24, alyas Bernardo, kaya siya humarap sa media ay upang pasinungalingan ang sinasabi ng isang alyas Amira, saksi ng AIDSOTF na inilagay siya sa loob ng drum at isinimento bago inilibing nang buhay sa loob ng compound.
"Kaya po ako lumutang ay upang sabihin sa inyo na buhay ako at hindi ako kailanman pinatay," saad ni Torres sa isinagawang press conference sa isang restaurant sa Pasig kasama si Raymund Fortun, abogado ni Amim Imam Buratong, may-ari ng Mapayapa Compound na sinalakay ng AIDSOTF noong Pebrero 10 ng taong ito.
Subalit ang paglutang ni Torres ay pinagdudahan matapos na maging iba-iba ang kanyang pahayag sa mga nagtatanong na media.
Inamin naman ni Atty. Fortun na ngayon lang umano sila nagkita ni Torres subalit nang ganapin ang press conference, sinabi niya na ang nag-ayos nito ay ang kanyang kliyente na si Buratong para umano malinis ang pangalan niya na isa siyang drug lord.
Dahil dito, sinabi ni C/Insp. Ismael Fajardo, Special Operations Unit 3 ng AID SOTF na siyang namumuno ng paghuhukay na itinigil muna nila ang paghuhukay sa Mapayapa Compound na sinimulan noong Martes ng umaga subalit tuloy ang gagawing imbestigasyon hinggil sa impormasyong ginawa ding killing fields ang lugar base na rin sa sinasabi ng kanilang saksing si Amira, trabahador din ng nasabing drug den.
"Stop muna ang digging pero tuloy ang investigation at naniniwala pa rin kami sa aming witness dahil ayon sa kanya ay iba yung ipinakitang litrato sa kanya at ang lumutang ay parang look-alike lang ng tunay na Bernardo," pahayag ni Fajardo.