Namatay noon din sa pinangyarihan ng krimen ang biktimang si PO2 Ramon de Leon, nakatalaga sa Police Community Precinct ng Pasig Police at residente ng Lupang Pari, Brgy. San Miguel ng nabanggit na lungsod.
Samantala, mabilis namang tumakas ang suspect na nakilalang si Tomas Bendan, isang notoryus na kriminal at residente rin sa nasabing lugar.
Ayon kay Sr. Supt. Romeo Abaring, Officer- in-charge ng Pasig Police, naganap ang insidente dakong alas-6 ng gabi sa harapan ng Puyos Carinderia na matatagpuan sa kahabaan ng Lupang Pari ng nasabing barangay.
Nabatid na kasalukuyang bumibili ng ulam sa nasabing karinderya ang biktima nang patraydor itong lapitan ng suspect na armado ng patalim at agad na ginilitan sa leeg ang una. Hindi nakuntento ay inundayan pa ng mga saksak sa ibat ibang bahagi ng katawan ang parak at nang masiguro na itong patay ay tumakas tangay ang 9mm na baril ng biktima.
Napag-alaman pa kay Abaring na posibleng nagtanim ng galit ang suspect sa biktima matapos na ipakulong ito sa kasong estafa dahil sa hindi pagbabayad ng cell phone noong unang linggo ng Marso.
Bukod dito ay marami nang kasong kinakaharap ang suspect at labas pasok sa kulungan at nakakapagpiyansa lamang para sa pansamantalang kalayaan.
Isang malawakang manhunt operation ang isinasagawa ng pulisya sa agarang pagkaaresto sa suspect. (Edwin Balasa)