Ang naturang modus-operandi ay nabunyag makaraang mapatunayan sa isinagawang imbestigasyon ng pamunuan ng NPD na maraming bilang sa mga pulis dito ay hindi na pumapasok sa kani-kanilang mga tungkulin at sumisipot lamang tuwing araw ng sahod.
Nabatid na hindi bababa sa P5,000 kada 15-araw ang tinatanggap ng ilang mga opisyal kapalit ng kanilang pagkunsinti sa hindi pagtupad sa tungkulin ng kanilang mga tauhan na tinaguriang 15-30 cops o "most privilege cops".
Kaugnay nito, isang listahan ng mga 15-30 cops ang inilabas na ni NPD director Police C/Supt. Leopoldo Bataoil at nakasaad dito ang planong pagsibak sa mga ito kapag hindi nila naipaliwanag ng maayos at malinis ang kanilang pangalan hinggil sa isyung ito.
Ilang opisyal na rin sa kanyang kinasasakupan ang sinibak na nauugnay umano sa nasabing modus-operandi.
Kamakalawa ay sinibak ni Bataoil sa puwesto si P/Supt. Lino Garcia, sub-station 1 commander ng Caloocan City police makaraang madawit ang pangalan nito sa 15-30 cops modus operandi.
Kabilang din sa 15-30 cops at hinihingan ng paliwanag ang mga pulis na sina SPO3s Manuel Quizon, Ernesto Mangahas, SPO2 Renato Chua, SPO1 Ibarra Salonga, PO3 Ricardo Ponciuncula, PO3 Arnold Panganiban at PO2 Danilo Arellano na pawang mga tauhan ni Garcia.
Napag-alaman pa na karamihan sa mga 15-30 cops ay abala sa kani-kanilang mga negosyo at ilang taon na ring hindi tumutupad nang maayos sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Karamihan din umano sa mga 15-30 cops ay tumatanggap ng double compensation dahil bukod sa pagiging pulis ay konektado ang mga ito sa ibat ibang pribadong serbisyo.
Dahil dito, inutusan ni Bataoil si NPD District Personnel and Human Resources Development (DPHRD) chief P/Supt. Reynaldo Lozada na magsagawa ng roster inspection sa lahat ng mga police station ng CAMANAVA upang imbestigahan ang paglaganap ng 15-30 cops sa kanyang kinasasakupan.