Kinilala ni QCPD-DIID chief Supt. James Brillantes, ang nadakip na si PO2 Arnel Adto, ng Regional Holding Group ng National Capital Regional Police Office dakong alas-4 ng hapon habang sakay sa Five Star Bus Lines.
Nasamsam dito ang isang .9mm caliber na walang kaukulang dokumento.
Nauna rito, biniktima ng suspect at dalawa pang kasabwat nito sa may Mindanao Avenue dakong alas-11:30 ng umaga kahapon si Rogelio Bayaw, 33, driver ng isang Toyota Hi-Lux na may plakang RAP-114. Armado ang mga suspect ng ibat ibang kalibre ng baril.
Binaril ng mga suspect si Bayaw at saka tinangay ang sasakyan nito. Agad namang natanggap ng pulisya ang alarma hanggang sa makasalubong ng mga ito ang mobile car ni Inspector Arturo Cabales sa panulukan ng Sauyo Road at Mindanao Avenue. Iniwan naman ng mga suspect ang kinulimbat na sasakyan sa Alley 2 St., Brgy. Talipapa at agad na nagsitakas.
Nabatid na positibong kinilala ng biktima sa photo gallery ang pulis na si Adto na tumutok sa kanya ng baril at sapilitang kumuha ng susi ng kanyang sasakyan.
Bukod dito, dalawang kaso pa rin ng carjacking ang kinasasangkutan ni Adto kung saan tinangay din ng grupo nito ang isang Land Cruiser at isang Toyota Fortuner na naganap sa Mayamot, Antipolo at sa Quezon City.
Inihahanda na ang kaso laban dito. (Doris Franche)