Sinabi ni PCG spokesman, Lt. Commander Joseph Coyme na inalerto na ni Vice-Admiral Arthur Gosingan ang lahat ng puwersa upang masusing magbantay sa mga nakahimpil na mga lantsa at barko sa gitna ng karagatan.
Itoy matapos iulat ni PNP Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF) commander, C/Supt. Marcelo Ele na bagong modus operandi ngayon ang ginagawa ng mga sindikato matapos ang sunud-sunod na pagsalakay sa mga shabu laboratory sa lupa na inumpisahan noong panahon pa ni retired Gen. Ricardo de Leon.
Sinabi naman ni Coyme na makikipag-ugnayan sila sa mga may-ari ng mga lantsa sa bansa at mas pahihigpitan ang pagbabantay sa karagatan matapos ang naturang ulat.
Matatandaan na naging sunud-sunod ang pagsalakay ngayon ng PNP at NBI sa mga hinihinalang shabu tiangge sa ibat ibang panig ng bansa kung saan nabatid na malaki pa rin ang supply ng shabu sa kabila ng pagkalagas ng mga shabu laboratory. (Danilo Garcia)