Ayon kay Dr. Hector David, head ng lokal na pangkalusugan, ang mga biktima ay pawang nakaranas ng paninikip ng dibdib, pananakit sa bahagi ng mata, baga at balat matapos makalanghap ng tumagas na ammonia buhat sa pabrika.
Daan-daang pamilyang naninirahan sa paligid ng fishport ang naglabasan ng kanilang bahay dahil sa mabahong amoy, habang anim na empleyado sa ice plant ang tuluyang nadala sa pagamutan.
Patuloy ang isinasagawang inspeksyon ng local health department dito kasama ang mga bumbero na siyang bumobomba sa tumagas na ammonia sa pangambang kumalat pa ito sa dalawang lugar sa Sitio Bato at Sitio Sto. Niño na posibleng maapektuhan din kapag nakalanghap ng nasabing kemikal.
Ayon sa ulat, alas- 9 ng umaga nang magsimulang kumalat ang ammonia matapos na aksidenteng mabuksan ni Vic Marijuan, ang tubo sa Genesis Ice Plant ng Irma Fishing Corporation na matatagpuan sa Fishport Complex North Bay Boulevard sa nabanggit na bayan na nagtataglay ng nasabing kemikal at sumingaw ito.
Ayon kay Bobby del Rosario, may-ari ng naturang iceplant, base sa kanilang imbestigasyon aksidente ang nangyari nang ang ammonia port ang nabuksan ni Marijuan sa halip na oil port.
Nabatid na ang nasabing ice plant ang pinakamalaking pagawaan ng yelo sa bayan at ang pagsingaw ng tubo nito ay bunga umano ng hindi nakayanang bigat na amonyang nakalagay dito. (Ricky Tulipat)