3 miyembro ng swindling syndicate, timbog

Tatlong notoryus na miyembro ng big time SSS swindling syndicate ang nasakote ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) nang tangkaing iwithdraw sa ATM machine ang mahigit P.2M sa operasyon sa Quezon City.

Ayon kay PNP-CIDG Director Chief Supt. Jesus Verzosa, ang mga suspect na sina Floro Corpin, Emerita Camasis at Adelaida Osit ay nasakote habang tinatangkang iwithdraw ang P250,000.00 sa ATM machine ng PNB sa Quezon City Memorial Circle bandang alas-10 ng umaga.

Nabatid na ang sindikato ng mga suspect ay matagal ng pinaghahanap matapos na makatanggap ng sunud-sunod na reklamo ang PNB sa mga naging biktima ng mga ito.

Ayon kay Verzosa, isang PNB security force ang tumawag at humingi ng tulong sa mga elemento ng PNP-CIDG sa pamumuno ni Supt. Benjamin delos Santos matapos makita ang kahina-hinalang presensya ng tatlo sa nasabing lugar.

Nabatid na noong Enero 4 ng taong ito ay nagawang makapag-withdraw ng P500,000.00 ng mga suspect sa PNB ATM machine matapos ang mga itong magpanggap na SSS pensioner claimant. (Joy Cantos)

Show comments