Kinumpirma ni John Arnaldo, opisyal ng Pandacan Depot Services Inc. na dakong alas-7 ng umaga nang maganap ang oil spill sa isa sa mga tangke ng Caltex.
Ikinakarga umano ang langis buhat sa Batangas mula sa isang barge sa isang tangke nang hindi mapansin ng mga namamahala na napuno na ito at umapaw na.
Umaabot umano sa 400,000 litro ng langis ang tuluyang umapaw sa tangke at kumalat sa compound sanhi ng mabahong amoy na umalingasaw, hindi lang sa loob ng oil depot kundi maging sa residential area, malapit sa lugar at sa katabing Polytechnic University of the Philippines (PUP).
Nilinaw naman nito na na-contain na nila ang tumagas na langis at wala nang panganib sa oil depot maging ang posibleng pagkalat nito sa ilog-Pasig.
Nangamba naman ang mga residente ng lugar sa nagaganap sa oil depot nang biglang palabasin ng Caltex ang kanilang mga empleyado.
Nang tanungin ng mga mamamahayag, pinagtakpan pa at sinabi ng security personnel na isang "fire drill" lamang umano ang kanilang isinasagawa kaya pinalabas ang mga empleyado.
Matatandaan na matagal nang tinututulan ng mga residente ng Maynila ang naturang oil depot dahil sa panganib na dulot nito sa kalusugan kapag nagkaroon ng problema tulad ng "oil spill" o "gas leak" at posibilidad na salakayin ng mga terorista. (Danilo Garcia at Gemma Amargo-Garcia)